Tuesday, January 29, 2013

Ang Tanging Hanap Niya ay Pagmamahal

Ako si Angel, 25 taong gulang. Sa hirap ng buhay ngayon, isa rin ako sa mga tao na dugo't pawis na kumakayod upang makalikom ng pera, panggastos sa araw-araw.  Buti na lamang at magaling akong kumanta at nagawan ko ng diskarte na pagkakitaan itong natatanging talento ko. Isa akong singer entertainer sa isang sikat na bar sa Ermita. Lumaki akong malayo sa aking mga magulang kaya natuto akong makipagsapalaran sa buhay nang mag-isa. Lumayas ako sa amin noon dahil galit na galit ang mga magulang ko sa akin lalung-lalo na ang inay ko. Wala akong balak ikwento sa inyo kung ano talaga ang nangyari dahil hindi ko na gustong balikan ang isa sa mga pinakamalungkot na pangyayari sa buhay ko at wala rin ako sa mood na umiyak ngayon. Hindi ko maitatanggi na may kalungkutan ang maging mag-isa kaya naman matagal na akong naghahanap at naghihintay ng taong makakasama ko  sa isang pang matagalang relasyon. Madami ng lalaking dumaan sa buhay ko. Sino nga ba naman ang hindi maaakit sa kagandahan kong ito. Sexy, maputi, matangkad, mahaba ang buhok, matangos ang ilong, at magaling kumanta. Daig ko pa yata si Regine Velasquez kung bumirit.  At isa pa,  sa linya ng trabaho ko, hindi maiiwasan na hindi ako makatagpo ng mga lalaki dahil lagi ko silang nakakasalamuha. At sa dami nila, masasabi ko na pare-parehas lang sila lahat. Ginamit at pinerahan lang nila ako. Hindi ako sigurado kung may natitira pa sa akin na maipagmamalaki ko dahil hindi na rin ako matatawag na birhen sa kahit ano mang parte ng katawan ko.  Ngunit sa kabila ng lahat, handa pa rin akong magmahal at ibigay ang sarili ko ng buong-buo. Ang gusto ko lang naman ay makaramdam ng pagmamahal at maging masaya.

Alas dose imedya na ng umaga at kalahating oras na akong huli sa aking trabaho. Papagalitan nanaman ako ng manager ko nito. Hindi ko alam kung sino ang dapat kong sisihin kung bakit ako late. Ayaw kasi akong paalisin ni Ton-Ton sa tabi niya. At gusto ko rin naman na sulitin ang oras naming dalawa na magkasama. Siya ang boyfriend ko ngayon. Mahal ko siya at magiging apat na buwan na kaming mag-on nitong darating na Biyernes. Ang dami kong plano para sa darating naming monthsary. Gusto kong mag celebrate kami out-of-town kaya naman dapat ay makakuha ako ng malaki-laking tip ngayong linggo. Ang malas nga naman at ngayon pa ako na-late. Kaya naman dali-dali akong kumuha ng taxi mula sa tapat ng aking maliit na apartment sa Pandacan. Lagi akong nakataxi papunta sa trabaho ko. Ayoko ngang sumakay ng jeep ng naka  killer heels at micro mini skirt. At lalong ayokong maglakad ng mag-isa dahil baka magahasa pa ako sa daan. 

Pumara na ako ng taxi. Hindi ko na tinext kay Ton-Ton ang plate number dahil mukha namang mabait ang driver at matanda na ito kaya naisip ko na kayang-kaya ko siya kung sakaling may gawin siyang masama sa akin. Ngunit sa takbo ng aking malas na kapalaran, maling taxi ang nasakyan ko.  "Manong, sa Ermita po...pakibilisan na lang po ha." "Walang problema," ang kaniyang nakangiting sagot. Wala na akong magagawa dahil late na talaga ako. Mag-panic man ako, masisira lang ang make-up ko sa pawis kaya naman umupo ako ng taimtim sa taxi at sinikap na huwag ma-stress. Napatingin ako sa rear mirror at nakita ko na sumusulyap ang driver sa akin. Hindi ko na lang pinasin at nilihis ko na lang ang tingin ko papunta sa bintana. "Baka naman nagagandahan lang siya sa akin. Kadiri ha? Gurang na siya." Hindi napigilan ng mga mata ko na mapatingin muli sa rear mirror at kitang-kita ko ang ang kanyang mga nanlilisik na mata na nakatitig sa akin. Natakot ako dahil nakangiti pa siya. Masama na ang kutob ko. Niliko niya ang taxi at humarurot siya. "Manong, hindi po ito ang daan. Bakit ka kumanan? Dere-derecho lang." Tinaas niya ang kanyang kanang kamay. "Ano yan? Saan mo ako dadalhin? Bababa na ko!" Huminto siya sa madilim na kalye at dali-dali siyang pumunta sa kinauupuan ko.

Sinuksukan niya ng tuwaliya ang bibig ko. Pinagsusuntok niya ako. Pinagsasampal. Alam ko na duguan na ako. Hindi ako makalaban. Ang lakas niya para sa ganoong edad. Pinadapa niya ako. Ginahasa niya ako. Sumaging muli sa isip ko ang mga oras na pinadadapa ako ng aking inay at itay at nilalatay. Hindi ako makalaban noon. Wala akong nagawa kung hindi ang umiyak. 

Nagkamalay ako na nakahandusay sa tabi ng eskinitang puno ng basura. Maliwanag na. Masakit na masakit ang katawan ko lalo na ang aking likod. Halos hindi ako makakilos. Nahihirapan akong tumayo at hindi ko magawang umupo. Ayokong maalala ang nangyari kagabi. Umiiyak ako at gusto ko nang makauwi. Pinagtitinginan ako ng mga dumadaan ngunit wala man lang naawa at tumulong sa akin. Bakit ganito ang mundo? Umiiyak ako. Pinagsikapan kong maglakad pauwi. Wala na ang bag ko. Wala na ang anim na libong pisong  pinagipunan ko para sa monthsary namin ni Ton-Ton. Si Ton-Ton. Oo si Ton-Ton! Kailangan ko siya ngayon. Siya lang ang makakatulong sa akin. Tatawagan ko siya. Hindi ko mapigilang tumulo ang luha ko. Paano ko siya tatawagan? Wala na ang iphone 5 ko. Wala na ang lahat.

Nakabukas ang pintuan ng apartment ko. Buti na lang. Dali-dali akong pumasok at hinanap ko si Ton-Ton. Ang tanging nakita ko lang ay ang vault na naiwanang nakabukas. Wala ng laman. Hindi ito pwede. Tanging kami lang dalawa ang nakakaalam ng password ng vault na naglalaman ng aking apat na taong ipon. Wala na rin ang dalawang spare phones ko na tinatago ko sa drawer na pinagpapatungan ng vault. Pinagnakawan ako ni Ton-Ton? Umiiyak ako. Wala akong magawa. Wala na ang pera ko. Wala na ang lahat. Teka. Bigla kong naalala na may naitago akong isang libong piso sa bulsa ng aking blazer sa loob ng aparador. Oo, nandito pa. Hindi ko nasabi kay Ton-Ton na naglagay pala ako ng pera dito. May nakuha rin akong litrato kasama ng isang libong piso sa bulsa ng blazer. 

Litrato ni inay at itay. Tinitigan ko ito ng matagal.  Wala ng natira sa akin kung hindi ang isang libong nakadikit sa likod ng litrato nila inay at itay. Sa kauna-unahang pagkakataon,  naramdaman ko ang kanilang pagiging magulang kahit sa pamamagitang man lamang ng kanilang litrato. Maraming salamat. Bumubuhos ang aking mga luha at naglakad akong papuntang kama nang may naapakan akong papel. Pinulot ko. Nakita ko na sulat-kamay ang nakalagay sa gusot-gusot na papel. "Salamat sa lahat pero hindi talaga kaya ng sikmura kong makipagrelasyon sa baklang kagaya mo. -Ton"

Nanginginig ako. Umiiyak ako. Ano bang masama sa pagiging bakla. Bakit hindi matanggap ng mga magulang ko ang pagkatao ko? Ayaw ba ni inay na may anak siyang babae? Hindi man lang ako mapagtanggol ni itay. Si Ton-Ton, pare-perahas lang silang mga lalaki. Manggagamit at mukhang pera. Ibinigay ko ang lahat. Hindi naman ako nagkulang. Wala akong maipagmamalaki. Oo, ang sexy, maputi, matangkad, mahaba ang buhok, matangos ang ilong, at magaling kumanta ay isang bakla. Isang bading. Ako si Angel at sa buong buhay ko, ang tanging hinahanap ko ay pagmamahal. 


Isang maikling kwento ni Vladelle Francisco

1 comment:

Anonymous said...

@.@